Masarap titigan ang kawalan. Walang espasyo, walang kahit ano. Malawak at madilim; minsan maliwanag.
Sa layo at lalim ng aking pagtingin kung saan tangan ko ang landas na hindi ko rin mailarawan, unti-unting nagkakakulay ang kawalan. Nagkakaroon ng mga imaheng hindi ko pininta. Hindi ko man sadya’y kusang nagsisipatakan ang mga kulay na hindi ko rin alam ang pinanggalingan. Unti-unti, sila’y nagsisipatak sa kawalan na dapat ay walang patutunguhan, walang katapusan.
Mapusyaw. Walang matingkad. Ang kadilima’t liwanag ay napupuno ng kulay. Wala ni isa sa mga kulay ang nagsasabing masaya ako. Ang mga imahen ay napupuno ng mga masalimuot na katotohanan. Unti-unti, tila ako’y kinakahon sa rehas ng mga kulay hanggang sa tuluyan ko nang maramdaman ang aking pagkakagapos sa riyalidad na hindi ko kailanman matatakasan.
Dapat masaya ako. Dapat matingkad ang bahagharing minamasdan ko. Subalit hindi ko kayang kulayan ang mundo ng malungkot na kulay. Ito lamang ang mayroon ako, lungkot at pag-asang may magpapatingkad ng bungungot ko. Sa gayon lang nanaisin kong manatili sa kawalan.