Pahinga

Pahinga

Ang kapahingahan ay hindi lamang nararapat
para sa mga taong pagod.
Ito’y para sa mga taong nangangailangan
ng yakap. Mga uhaw sa haplos ng buhay
na hangin na waring nag-uudyok ng hangaring
ipadama ang halina.

Halika, wika pa niya.

Ipapaalala ko na may kanlungan ka.
Ipapaalala ko na yayakapin kita;
Kahit pa sa higpit ng pagkakabigkis
Ng aking mga bisig
Salitang mula sa bibig
Madama ang pag-ibig
Sa paghilig
Sa pagsibol
Ng dati’y nabubulok
Nagmumukmok

Animo’y kay tagal naghihintay sa sikat
ng araw; nakadungaw sa kalawakan
Pero hindi mo masilayan ng buo
Bitin, araw-araw, bitin
Kahit anupang awitin
Hindi maatim magreklamo
Magsumamo na sana tuluyan nang sumikat
Ang liwanag na taon na ang binibilang
Kung mag-inarte ay dinaig akong
Dumadaing sa pagkakataong

Sandali lang naman
Makapagpahinga naman
Teka ako naman
Baka sakali naman
Kung pwede naman
Dahil pwede naman
Ano ba naman
Itong buhay na hindi naman nananadya
Hindi naman nagsasawang
Biguin ako
Dahil sandali lang naman
Makapagpahinga naman
Teka ako naman
Baka sakali naman
Kung pwede naman
Dahil pwede naman

Ang kapahingahan ay hindi lamang nararapat
para sa mga taong pagod.
Ito’y para sa mga taong nangangailangan
ng sandali. Mga uhaw sa ngiti ng buhay
na pag-asang nag-uudyok ng hangaring
ipadama ang halina.

Halika, wika pa niya.

Ipapaalala ko na may kanlungan ka.
Ipapaalala ko na yayakapin kita;
Kahit pa sa higpit ng pagkakabigkis
Ng aking mga bisig
Salitang mula sa bibig
Madama ang pag-ibig
Sa sandaling paghilig

Advertisements
Bago ang paglaya ko.

Bago ang paglaya ko.

Gusto kong maramdaman ang init mo. Kahit ba natutunan ko nang mahalin ka sa’yong panlalamig. Akin na lang ang mga puwang niya sa puso mo, bilang nakalaan naman para sa’yo ang aking pagkatao.

Pahapyaw. Pahapyaw, irog ko. Wari’y patikim lang bago sumapit ang hating gabi. Inangkin natin ang kabig ng dibdib ng isa’t isa. Naudlot pa sa gitna, pero mahal, sana’y akin ka na para ‘di na natigil pa. Ako sana’y iyo na pero mas ibig mong hintayin siya.

Sa gabing malamig… maging isip ko’y nanigas habang naroroon kang patakbo-takbo’t palakad-lakad. Loobin mo, mahal. Akin ka na lang. Habang ako’y gising, pasigaw kong ibubulong sa hangin, “AKIN KA NA LANG.” Tulad ng dati na minsa’y hiniling kita sa aking pag-idlip. Minsang akala ko’y nabaon na sa limot sa pag-asang may papalit.

Sa aking pagpikit ng ilang tao’y nahumaling sa panaginip. Nalulong ako sa mga pangarap ko sa piling ng isang pag-ibig na akala ko’y habang buhay magtatagal pero mahal — Ang maling pag-ibig ko sa’yo’y parang iisang iglap lamang pero ang pait at sarap ay kambal na inihain sa aking harapan.

Nabihag. Nagpabihag. — Sa inasam kong kalayaan; ninais kong makulong sa maling braso, halikan ng mga matamis kung magsinungaling na labi.

Mahal, umasa ako na ngayon kung pinagtagpo tayong armado na ng gulang ay maaari na. Pero mahal nakagapos ka na sa kanya. MALI. Nagpagapos ka na sa kanya. Matagal na. Ako lang ‘tong si Tanga.

Gusto kong maramdaman ang init mo. Kahit ba natutunan ko nang mahalin ka sa’yong panlalamig. Akin na lang ang mga puwang niya sa puso mo, bilang nakalaan naman para sa’yo ang aking pagkatao. Pero ano pa ang saysay ng init mong nakakapaso kung paulit-ulit lamang akong nabibigo. Maigi na ri’y may natutunan ako na talikuran ang tulad mo. Kung kaya’t bago ang paglaya ko, Kuya, tangina mo.

Piliin mo siya, bes.

Piliin mo siya, bes.

Piliin mo siya, bes.
Piliin mo siya dahil alam mo na.

Ang bawat dahilan ng ngiti niya.
Ang sukat ng mga luha niya.
Ang lalim ng kanyang isip.
Piliin mo siya.

Sisirin mo ulit ang dagat ng kanyang isipan.
Suyurin mo ang bawat hangganan.
Doon muli sa inyong tagpuan;
Kayo’y magkaroon ng kasunduan.
Bes, piliin mo siya.

Nang hindi ka na mahirapan,
Sumugal sa bagong kanlungan.
Tumungo sa dayuhang lunan.
Sa ibang puso manahan.

Hindi kita ipinagtatabuyan.
Isa kang alay.
Upang matubos ang lahat.
Ng pait. Ng takot. Ng sigwa
Ng dilim. Ng ligaya. Ng ngiti.
Ng pag-asa.
Piliin mo siya, bes.

Isa kang buntung-hininga.
Sa gitna ng pagsikip ng dibdib
Tubig na kay tagal ‘pinag-igib.
At ngayon husto na
Ang kapahingahan ng aking bisig
Na kahit hindi pag-ibig

Ika’y aking nadinig.
Ika’y aking nadama.
Sa taghoy ng alinlangan
Dumating ka
Pero sapat na.
Piliin mo siya, bes.

Sapat nang matikman
Ang hindi akin
Marahil iyong napansin
Tangan ng iyong “mahal kita”
Ay sa kanya pa rin nakabaling.

Ang tunay na kaibigan ko

Ang tunay na kaibigan ko

Ang tunay na kaibigan ko:
Maraming alam.

Alam na ang pagtawa ko
Ay dulot ng mababaw na kaligayahan.
Dulot ng isang tasa ng matamis na kape.
Dulot ng masayang kwento sa gabi.
Dulot ng mga simpleng ngiti.
Dulot ng mga “kunwari”
Dulot ng pekeng sandali.

Alam na ang pag-iyak ko
Ay buhat ng mga problema
Buhat ng lungkot sa umaga.
Buhat ng magulong kama.
Buhat ng “may mahal siyang iba”
Buhat ng “wala akong pag-asa”
Buhat ng pagkabigo ni Mama.
Buhat ng ‘di ako mahal ni Kuya.
Buhat ng ‘di ko na kaya.

Alam na ang hudyat ng ‘tangina’
Ay gawa ng kinikilig ako.
Gawa ng kanyang paglaho.
Gawa ng mababang grado.
Gawa ng kawirdohan ng mundo.
Gawa ng dami ng trabaho.
Gawa ng init ng ulo.
Gawa ng dami ng pagbabago.

Ang tunay na kaibigan ko.
Maraming alam.

Alam na tanga ako.
Pero tanga rin siya.
Alam na gago ako.
Pero gago rin siya.
Alam na patibong ako
Kahit siya rin pala.
Alam na may sapi ako
Kahit minsan siya rin pala.
Alam na iba ako
Kahit lalo naman siya.

Ang tunay na kaibigan ko.
Maraming alam.

Parang ako.
Maalam magdrama.

Siguro pag-uwi ko.

Siguro pag-uwi ko.

Siguro mamaya
pagbaba ko ng tren
Makikita kita
Nakauniporme’t may nakasukbit na bag
sa balikat mo.
Tulad ko may suot na headphones.
Titigan lang kita ng mga limang segundo.
Tapos titingnan mo ako.
Tapos babaling ako sa kalsada
o sa mga ilaw na nakamasid.
Hahayaan kitang madala ng iyong pagtataka
sa pag-asang kakausapin mo ako.

Siguro pagkatapos ‘non
kahit panandalian lang
May mararamdaman akong sigwa
Ng pag-ibig? Hindi.
Ng pagkakaibigan? Pwede naman.
Ng pagtitinginan? ‘Yan.
Sino bang nagsabing
may susunod pa kung sa sandaling
nagsalubong ang simula’t wakas
ay ‘di ka naman handa?

Siguro  kapag iniwan na ako ng tren
makakasakay ako ng jeep
na may pagmumuni munihan.
Iisipin ko kung paano
magkakaroon ng tayo
o kung paano kita makikilala.
Marahil maisip ko rin kung
paano kita mapapanaginipan
o makakalimutan.

Siguro pag-uwi ko para ka nang hangin
at hindi tao.
Hindi kita nakita.
Hindi kita nadama.
Pero alam kong buhay ka.
Siguro nga.

Mahal kong Tadhana

Mahal kong Tadhana

Bilang wala nang tanikalang nakagapos sa mga paa ko at malaya na akong humilig sa katotohanan, gusto lang kitang kumustahin. Sa layo nang nilakbay kong katuwang kita sa bawat salitang binulalas at luhang inilabas ko, gusto ko lang kumustahin kung maayos lang ba ang lagay mo. Sa kabila ng mga sugat na itinamo ng puso ko sa loob nang maraming taon mula noong unang beses akong natutong nagmahal, may nagbago ba? Sa pagkatao ko. Sa ugali ko. Aminin mo.

Tunay nga bang magkaibigan tayo matapos masilaya’t madama ng mga mata ko ang hapding dulot ng klase ng mundong ipinamalas mo sa akin? Talaga nga bang ikaw ang kasama ko sa tuwing madadatnan ko ang sarili ko sa dilim kasama siya? Totoo bang hinele mo ako sa mga oras na nagtangis ako matapos mong ipagdudulan sa akin na hindi na siya babalik? Ang dami kong tanong na may halong pighati at poot dahil hindi ko malaman kung talagang binigo ako ng “pag-ibig.” Dahil tingin ko, binigo mo ako.

Pinilit-pilit kong huwag umasa sa kanya dahil wala akong alam sa kanya. Itinuro mo sa aking huwag umasa sa kanya. Kung kaya’t sa’yo ako umasa bilang tanda ng respeto ko sa’yo at sa sarili ko. Dahil mahal kita. Dahil mahal ko tayo. Pero hindi ko lubos maunawaan kung kakampi kita sa bawat dagok na hinarap ko.

Pakiramdam ko, mag-isa ako. Dahil lagi mo na lang akong tinatraydor. Hindi ko tuloy alam kung bastos ka lang talaga o’ may itinuturo ka na naman sa aking bago. Hindi kita maintindihan. Hindi ko alam kung ipagkakatiwala ko ang sarili ko sa’yo o’ ang puso ko o’  ang pagkatao ko. ‘Di ko na talaga alam.

Pero dahil wala na akong ibang pwedeng lapitan, sa’yo at sa’yo lang ulit ako kakapit. Kahit ilang beses mo sa akin sabihin na tumingin sa kalangitan at paniwalaan ang kapangyarihan ng buwan at paghiling sa mga tala… gagawin at gagawin ko pa rin kasi wala naman ibang pwedeng gawin kundi ‘yun lang.

Utang na loob. Kung nagrereklamo man ako, hayaan mo na ako. Bago ko pa maisipan maglabas ng sama ng loob sa paraang ikaw lang din mismo ang bibigo sa akin. Alam mo na ‘yon dahil saksi ka. Sa lahat.

Ngunit gayunpaman, mahal kita. Wala akong ibang kayang mahalin at tiisin nang gaya ng sa’yo. Dahil higit ka pa sa anino. Higit ka pa sa kahit kanino. Ikaw ang tunay na karamay ko.

Ibig kong sabihin

Ibig kong sabihin

Kumusta.
Ibig kong sabihin, “namiss kita.”
Ibig kong sabihin, “okay ka lang ba?”
Ibig kong sabihin, “ano nang ganap?”
Ibig kong sabihin, “masaya ka ba?”
Ibig kong sabihin, “nag-alala ako sa’yo.”
Ibig kong sabihin, “ang tagal nating ‘di nagkita.”
Ibig kong sabihin, “namiss mo ba ako?”
Ibig kong sabihin, “ano nang nangyari sa’yo?”
Ibig kong sabihin, “ang dami palang nangyari.”
Ibig kong sabihin, “sana nagka-oras tayo.”
Ibig kong sabihin, “okay lang na hindi.”
Ibig kong sabihin, “malay mo.”
Ibig kong sabihin, “joke lang.”
Ibig kong sabihin, “ayaw kong umasa.”
Ibig kong sabihin, “naging crush kita.”
Ibig kong sabihin, “naging crush mo ba ako?”
Ibig kong sabihin, “okay lang.”
Ibig kong sabihin, “buti na lang.”
Ibig kong sabihin, “ano?”
Ibig kong sabihin, “wala.”
Ibig kong sabihin, “ganon ba?”
Ibig kong sabihin, “oo.”
Pero kumusta.