Siguro mamaya
pagbaba ko ng tren
Makikita kita
Nakauniporme’t may nakasukbit na bag
sa balikat mo.
Tulad ko may suot na headphones.
Titigan lang kita ng mga limang segundo.
Tapos titingnan mo ako.
Tapos babaling ako sa kalsada
o sa mga ilaw na nakamasid.
Hahayaan kitang madala ng iyong pagtataka
sa pag-asang kakausapin mo ako.
Siguro pagkatapos ‘non
kahit panandalian lang
May mararamdaman akong sigwa
Ng pag-ibig? Hindi.
Ng pagkakaibigan? Pwede naman.
Ng pagtitinginan? ‘Yan.
Sino bang nagsabing
may susunod pa kung sa sandaling
nagsalubong ang simula’t wakas
ay ‘di ka naman handa?
Siguro kapag iniwan na ako ng tren
makakasakay ako ng jeep
na may pagmumuni munihan.
Iisipin ko kung paano
magkakaroon ng tayo
o kung paano kita makikilala.
Marahil maisip ko rin kung
paano kita mapapanaginipan
o makakalimutan.
Siguro pag-uwi ko para ka nang hangin
at hindi tao.
Hindi kita nakita.
Hindi kita nadama.
Pero alam kong buhay ka.
Siguro nga.